Pumunta sa nilalaman
Nicolas Torre
Ika-31 Hepe ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas
Kasalukuyang nanunungkulan
Unang araw ng panunungkulan
Hunyo 2, 2025
PanguloBongbong Marcos
Nakaraang sinundanPGen. Rommel Marbil
Personal na detalye
Isinilang
Nicolas Deloso Torre III

(1970-03-11) 11 Marso 1970 (edad 55)
Jolo, Sulu, Pilipinas
Alma materAkademya ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas (BS)
Police career
SerbisyoPambansang Pulisya ng Pilipinas
Department
    • Pangkat ng Imbestigasyon at Pagtuklas ng mga Krimen
    • PRO (Tanggapang Pangrehiyon ng Pulisya_ 11 (Rehiyon ng Davao)
    • NCRPO
    • Akademya ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas
    • PNP Communications and Electronics Service (Serbisyong Komunikasyon at Elektronika)
    • QCPD
    • NCRPO
    • Samar PPO
Service years1993–kasalukuyan
Rank Heneral pampulis

Si Nicolas Deloso Torre III (ipinanganak noong Marso 11, 1970 sa Jolo, Sulu) ay isang opisyal ng pulisya mula sa Pilipinas na nagsisilbing Hepe ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas (PNP) mula noong Hunyo 2, 2025. Kilala siya bilang kauna-unahang hepe ng PNP na nagtapos mula sa Akademya ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas (PNPA), bilang kasapi ng Klaseng "Tagapaglunsad" ng PNPA ng 1993.

Unang yugto ng buhay

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ipinanganak si Torre noong Marso 11, 1970 sa Jolo, Sulu[1] at lumaki sa Koronadal, Timog Cotabato. Ang kanyang ama na si Rodolfo "Dolping" Molarto Torre ay isang master sergeant o pangunahing sarhento sa Hukbong Pamayapa ng Pilipinas, habang ang kanyang ina na si Julia Deloso ay isang guro. Kapwa nagmula sa Iloilo ang kanyang mga magulang—ang kanyang ama ay mula sa Tigbauan at ang kanyang ina ay mula sa Dumangas.[2] Panganay siya sa limang magkakapatid, at siya lamang ang naging pulis sa kanilang pamilya.[3]

Nag-aral si Torre ng elementarya sa Notre Dame of Marbel sa kanyang bayan at nagtapos bilang balediktoryan. Sa Koronadal National Comprehensive High School, nagtapos siya bilang salutatoryan. Naging iskolar siya sa ilalim ng isang programa ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya, kaya’t pumasok siya sa programa sa inhinyeriyang elektronika at komunikasyon ng Mapúa Institute of Technology (MIT, o Instituto ng Teknolohiya ng Mapúa) nupang makumpleto ang 72 yunit na kinakailangan bago makapagpatala sa Akademya ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas (PNPA). Bagamat kinonsidera niyang ipagpatuloy ang landas bilang isang inhinyero, nagpatuloy siya sa orihinal niyang layunin na maging kadete sa PNPA.[3]

Noong 1990, pinaslang ang kanyang ama sa Lutayan, Sultan Kudarat.[3] Matagumpay na nagtapos si Torre mula sa PNPA noong 1993 bilang bahagi ng Klaseng "Tagapaglunsad".[4]

Dati nang nagsilbi si Torre bilang hepe ng pulisya sa lalawigan ng Samar, Lungsod Quezon, at Rehiyon ng Davao. Sa huling posisyong ito, pinangunahan niya ang tangkang pag-aresto kay Pastor Apollo Quiboloy, tagapagtatag at pinuno ng simbahan ng Kingdom of Jesus Christ (Kaharian ni Hesukristo), na nahaharap sa mga kasong human trafficking o pagpapakalakal ng tao. Noong Marso 2025, bilang pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG, o Pangkat ng Imbestigasyon at Pagtuklas ng mga Krimen), inaresto ni Torre si dating pangulo ng Pilipinas Rodrigo Duterte batay sa isang warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC, o nternational Criminal Court) para sa umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan.

Noong Mayo 29, 2025, pinili ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Torre bilang bagong hepe ng PNP, na pumalit kay Rommel Marbil.[5] Siya ang kauna-unahang nagtapos mula sa PNPA na naitalaga bilang Hepe ng PNP. Bago siya, ang mga naging hepe ay karaniwang nagtapos mula sa Akademya Militar ng Pilipinas (PMA).[6] Pormal niyang sinimulan ang kanyang tungkulin noong Hunyo 2, 2025.

Noong Hulyo 20, 2025, hinamon si Torre ni Sebastian Duterte, ang umaktong alkalde ng Lungsod ng Davao, sa kanyang podcast na Basta Dabawenyo na magsuntukan. Tinanggap ni Torre ang hamon upang makalikom ng pondo para sa mga naapektuhan ng ulan mula sa habagat. Naglagay si Duterte ng kundisyon na kailangang hikayatin ni Torre si Pangulong Marcos Jr. na ipatupad ang hair follicle drug tests o pagsusuri sa droga gamit ang ugat ng buhok para sa lahat ng mga halal na opisyal. Tinanggap ni Torre ang hamon at kinumpirma na gaganapin ang charity boxing match o boksing para sa kawanggawa sa Hulyo 27 sa Rizal Memorial Coliseum sa Maynila.[7] Subalit umalis si Duterte patungong Singapore noong Hulyo 25 para sa isang personal na biyahe hanggang Hulyo 29, na sinabi niyang matagal nang planado bago ang laban at inaprobahan ng Kalihim ng Interyor at Lokal na Pamahalaan na si Jonvic Remulla noong Hulyo 20.[8][9] Noong Hulyo 27, idineklara si Torre bilang panalo sa laban dahil hindi dumating si Duterte.[10]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Ching, Mark Angelo (16 Marso 2025). . PEP.ph (sa wikang Filipino). Philippine Entertainment Portal, Inc. Nakuha noong 20 Marso 2025.
  2. Silubrico, Ruby P. (2025-05-31). . Panay News (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2025-06-04.
  3. 3.0 3.1 3.2 Bolledo, Jairo (9 Abril 2025). . Rappler. Nakuha noong 1 Hunyo 2025.
  4. Tupas, Emmanuel (2 Hunyo 2025). . The Philippine Star. Inarkibo mula sa orihinal noong Hunyo 1, 2025. Nakuha noong 2 Hunyo 2025.
  5. Boledo, Jairo (Mayo 29, 2025). . Rappler (sa wikang Ingles). Nakuha noong Mayo 25, 2025.
  6. Tupas, Emmanuel (30 Mayo 2025). . The Philippine Star (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Hunyo 1, 2025. Nakuha noong 1 Hunyo 2025.
  7. Laqui, Ian (Hulyo 24, 2025). . Philstar.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong Hulyo 26, 2025.
  8. Lacorte, Germelina; Sarao, Zacarian (Hulyo 25, 2025). . Inquirer.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong Hulyo 26, 2025.
  9. De Leon, Richard (Hulyo 27, 2025). (sa wikang Ingles). BALITA National. Nakuha noong July 27, 2025.[patay na link]
  10. Argosino, Faith (Hulyo 27, 2025). . INQUIRER.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong Hulyo 27, 2025.